sulat ng konsiyensiya
Bakas sa 'yong mukha ang pagka-ulilang nakakaawa, sa pagtaghoy gabi-gabi na siya ang para sa 'yo. Iniisip ko, kung para sa'yo siya, ba't parang hindi niya alam? Hihintayin mong matauhan? Tanga. Lungkot na lungkot ka, kasi wala kang uuwian ngayong uwian na. Nakalagay pa rin ang alaala niya sa tuktok ng eskaparate kung saan nilalagay mo rin ang mga pangarap mo. Pero sa lahat ng nakalagay doon, yung sa kanya lang ang malabong matupad. Pilit mong iniintindi na may posibilidad, pilit mong iniintindi kung bakit hindi. Naaasar ka na dahil pumili ka na, kahit may mga iba pang putahe ang naalay sa iyo. Mas gusto mo pa rin ang "comfort food" mo. Sana baguhin mo na ang panlasa mo, dahil tatabang lang yan hanggang mawala na ang tamis. Parang bubblegum. Nasipsip mo na ang lahat ng kailangan, kaya wala na siyang silbi. Itapon mo na. Nangalahati ka na ba sa pag-nguya mo? Itinapon mo na nga, sinubo mo ulit. Magandang gawain iyan. Hindi talaga siguro mangyayari ang pagka-tuto hanggang hindi ka pa nalalason. Hanggang hindi mo nalalaman na masama ang isang bagay sa iyo. Maging ang tao nakakasama. Lohikal na pag-iisip ang mag-desisyong lumayo sa mga taong hindi nakakabuti sa iyo. Hindi lubusang maiintindihan ng puso ang kalinawan ng pag-iisip, kasi nakabase sa damdamin ang galaw nito. Ang hiwaga na hindi maiintindihan. Kaya't ang kaya lang intindihin ang gawin mo. Huwag mo nang piliting tahakin ang hindi mo kakayanin. Mamamalas mo ang liwanag ng buhay sa mga malinaw na sagot, hindi ng atras-abanteng nararanasan mo. Walang makapipigil sa isang taong umiibig at gustong umibig. Sa ayaw…wala ring makapipigil sa kanya. Huwag mo lang hayaan ang sarili mong maghintay dahil baka hindi ikaw ang hinihintay niya. Iba pala.
Sinasabihan ka na niya na matuwa na sa buhay mo, hindi pa ba sapat iyon? Namumuhay siyang masaya na wala ka, namumuhay ka na may nakalaan pang pwesto sa tabi mo na hindi niya hangad. Malinaw pa sa sikat ng araw ito. Tumatango ka na. Sana tanggapin mo na ang buong katotohanan. Nasa kalahati ka na. May huli ka pang mga barahang ibabagsak kung bibigyan ng pagkakataon. Tapusin mo na ang laro. Mas mahirap na taya ang nagawa mo na noon, ano ang hihirap pa sa paglakad palayo? Sana sa susunod na gawin mo ito, wag ka na lumingon. Tumatawag lang siya. Hindi siya naghahabol. Hindi ka rin naman niya hahabulin, huwag na lang. Ang talagang mahalaga ay hindi hinahayaan na lang. Hindi ka maghihintay kung kelan ka handa. Dahil hindi kailan man posible ang maging handa sa kahit anong bagay o pangyayari. Hinayaan ka na niya mawala minsan, hahayaan ka lang niya ulit. Katulad ngayon. At sa uulitin. Umuwi ka na sa katahimikan, kahit walang uuwian..
0 Comments:
Post a Comment
<< Home