Tuesday, October 12, 2004

hinagpis

Ito yata ang madalas kong gawin. Ito yata ang madalas mangyari sa buhay ko. Katulad din siguro ng ibang tao, pero sa karamihan yata ng kakilala ko, ako lang ang may kumplikadong mundo katulad nito. Siguro, iba-ibang lebel lang ang pahirap ng buhay na ito. Pero wala pa rin akong makitang kasing lala ng pinagdaanan ko, at pinagdadaanan pa.

Sabi nga nila, hindi daw ibibigay ng Diyos sa iyo ang pagsubok kung hindi mo kaya. Kung ganun, ayoko nang maging matatag. Kasi sa mga matatag at matatapang lang daw binibigay ang mga ganitong pagsubok. Bwiset. Oo, matatag din ako, pero gusto ko nang bumigay. Ang sabi-sabi din, may paghihirap sa mundong ito dahil tinuturuan tayo ng Diyos at ng buhay ng mga ugaling kailangan dapat matandaan…katulad ng pagpapakumbaba at pagpapatawad ng kapwa. Kung hindi pa ba naman sapat ang pagpapakumbaba at pagpapatawad na ginawa ko….

Sa pangalawang beses pero sa magkaibang panahon, umulit yata ang sinumpa kong ayoko nang mangyari. Sinasabi ba nito na ganito ako kahina bilang tao at pumasok nanaman ako sa sitwasyong alam kong ganun din ang kalalabasan? Sinasabi ba nitong malaking hadlang ako lagi at kailangang magparaya? Sinasabi ba nitong paulit-ulit na ganito ang mangyayari sa akin hanggang sa matuto akong huwag nang tumbukin ang hindi dapat?

Oo, matigas ang ulo ko. Alam ko na sarili ko lang ang masisisi ko dahil sa mga nangyayari dahil ginusto ko. At gusto ko kasi malaman ang mga sagot kaya lumundag nanaman ako. Pero ganun talaga ang pagtataya. Kalinawan ng isip ang naka-sugal, at sakit ng dibdib ang kailangang pagdaanan para malaman ang katotohanan.

Masakit ang katotohanan ng mga masaklap na pangyayari. At masakit ang katotohanan na hindi permanente ang mga tao at mga emosyong masasaya. Kailangan tanggapin ang mga taong makakasakit sa iyo ng todo. Kailangan ding pabayaan umalis ang mga taong kailangan umalis sa buhay mo. Kailangang bukal ang loob mo sa pagbabago ng takbo ng mundo mo, at bubulagain ka ng mga pangyayaring sa panaginip mo lang naiisip. Susukatin ang pagka-matatag mo sa mga pagsubok na nasabi ko, at may mga pagkakataong dadapa ka sa bigat ng papasanin mo…

Pagkatapos ng lungkot, saya. Kung halos ayoko nang tumawa kasi kasunod na ang pag-iyak. Nakakapagod na eh. Pero katulad ng mga ‘inspirational’ na libro, huwag daw kalimutang kapulutan ng aral ang mga nangyari. Hanapin ang bahaghari pagkatapos ng ulan kamo, o ang ‘silver lining’ ng bawat ulap. Ito yata ang isa sa mga pinaka-mahirap gawin kung nagluluksa ka sa isang kamatayan, isang pagkabigo, isang pagkadapa.

*buntong hininga

Pagkatapos nitong delubyong ito, magiging okey na naman siguro ako. Sana nga. Pero matagal ako lumimot. Sana hindi ko kailangan gawin iyon…

0 Comments:

Post a Comment

<< Home